Marami akong bagay na kinatatakutan. Liban sa lumilipad na ipis, sa sermon ng Mama ko sa tuwing hindi ako kumikilos sa gawaing bahay, sa centipede at ano mang insektong naninipsip daw ng dugo. Takot din ako sa kapre, duwende, white lady, sigbin, at tikbalang. Dagdag pa ang superstitions na tsini-tsismis ng mga nakatatanda sa amin noong mga bata pa kami.
‘Huwag kang magputol ng kuko at magwalis sa gabi, lalabas ang grasya.’
‘Huwag kang matutulog nang basa ang buhok, baka ka mabulag.’
‘Huwag mong pagligpitan ang hindi pa kasal, baka hindi na makapangasawa.’
Ilan lamang ‘yan sa mga pamahiin ng mga Filipino ang tumatak sa isipan ko habang lumalaki ako. Hindi sa hindi ako naniniwala sa mga ito pero hindi ko rin naman ipinagsasawalang-bahala. Minsan na akong nagputol ng kuko sa gabi dahil sa pagka-irita sa kahabaan ng mga ito. Naranasan ko na rin magwalis dahil magaspang at maraming maliliit na bato ang sahig ng sala namin. Hindi sinasadyang napagligpitan ko ang tita ko ng pinagkainan. Laking pasasalamat ko na lang nang magpakasal siya sa foreigner niyang Jowa dahil baka masisi ko ang sarili kapag tumandang dalaga ito.
“Sleep paralysis” o “Bangungot” sa wikang Filipino. Ito yung karaniwang nararanasan sa tuwing tulog ang isang tao. Hindi ka makagalaw, nakikita ang paligid na wari’y mulat ang mga mata at may halong halusinasyon.
Anim na taong gulang ako nang unang beses na makaranas ng sleep paralysis, hindi lingid sa kaalaman kung anong katakot-takot na karanasan ang na-engkwentro nung mga panahon na iyon dahil malay ko ba na sleep paralysis na pala ang tawag duon. Pormal kong nalaman ang tawag nang maghigh-school ako dahil minsan namin napagkwentuhan ng isa sa mga matalik na kaibigan ang tungkol dito.
Sabi nila, Babaeng espiritu raw ito na nagnga-ngalan na ‘Batibat’. Isang malaki at matabang kaluluwa raw ito na nagtatangkang bawian ka ng buhay sa pamamagitan nang pagpasok sa panaginip. Mataba. Grabe, pati ba naman sa espiritu may panunuya ang mga tao. Kunsabay, maski nga ang Aswang ginagamit na pang-asar sa tuwing hindi maayos ang presentasyon mo sa harap ng ibang tao–”Mukha kang aswang. Mag-ayos ka nga ng sarili mo!” Kung ako siguro yung aswang, ma-o-offend ako kapag nakarinig ng ganitong kumento o kaya kapag ako yung ginawang halimbawa sa depinisyon ng pagiging hindi ka-aya-aya.
Ayon sa mga nabasa ko, madalas na dahilan ng sleep paralysis ay ang ‘stress’. Napa-ngiwi ako nang mabasa ito. Ano kaya ang dahilan ng pagiging stress ko nung anim na taong gulang ako? Baka napalo ako dahil ayaw kong basahin ang ABAKADA o kaya burot ako nang makipaglaro ng tagu-taguan. Nakakastress nga naman iyon para sa isang anim na taong gulang. Lumaki ako nang naging normal na lang sa ‘kin ang makaranas ng sleep paralysis. Hindi dahil palagi akong nakakaranas ng stress at may mga mabibigat na kinakaharap pero marahil ay gawa ng madali ako ma-apektuhan ng pinagdadaanan ng mga taong nakapaligid sa akin at posible na naabsorb ko ang mga ito at lumalabas na lang sa tuwing natutulog ako dahil wala akong ibang alam na paraan para magbahagi ng kung ano man ang tumatakbo isipan ko.
Isa sa mga mahalagang inpormasyon na nalaman ko ay ang tinatawag na Rapid Eye Movement o REM, ito ang ika-apat at huling stage ng sleeping cycle natin kung saan dito rin lumalabas ang mga panaginip. Kapag pala natutulog tayo at hindi dumaan sa tamang stages, puwede tayong magkaroon ng nightmares dahil elevated ang brain activity at active ang visual cortex ng utak natin kaya most of the time, may kasama rin itong hallucinations. Matapos malaman ang sanhi at makabasa ng ibang blogs sa mga nakakaranas din nito, dumating sa punto na nakokontrol ko na ang sleep paralysis at napipigilan bago pa tuluyang mangyare. Astig, ‘di ba? Para kong may super powers at na-who you bigla si Batibat.
Netong mga nagdaang taon, bihira ko na rin maranasan ang sleep paralysis. Na-umay at napagod na siguro sa ‘kin si Batibat dahil wala na siyang napapala sa akin. GAME OVER! Tinanggap na lang ang pagkatalo. Na-master ko na yata ang bawat forms ng Nen at na-reach ang level ng unbotheredness. Sa totoo lang, habang tumatanda ako, hindi na batid ang takot ‘pag dating sa ganitong klase ng eksperyensya. Unit-unting napagtatanto ko na mas nakatatakot pa rin talaga ang mga bagay na nasasaksihan at aktwal na nararanasan natin sa araw-araw na gigising tayo; gaya ng pagtaas ng mga bilihin, ganid ng mga nakatataas, ang kahirapan, diskriminasyon at social injustices, at iba pang kalupitan ng mundo na maski sa panaginip, mahirap labanan at takasan.